Skip to main content

Umpisa ng Paghahalaman ni Chad

Mga Uri ng Liwanag

Lahat ng halaman, nangangailangan ng liwanag. Kailangan kasi nila ng liwanag para sa photosynthesis, ang proseso kung paano sila gumagawa ng kanilang pagkain. Hindi nga lang pare-pareho ang pangangailangan nila para tumubo sila nang maayos at maganda. Alam niyo ba na may iba't ibang uri ng liwanag na dapat i-consider bago bumili ng halaman? Kung hindi, ang post na ito ay para sa inyo. Simulan na po natin. 

Direktang Liwanag

Ang ibig po sabihin ng direktang liwanag ay yung ilaw na galing mismo sa araw. Kung pag-uusapan natin ang topic na ito base sa mga bahay, ang pinakasimpleng description po ay nasa labas o walang bubong. Sa loob naman po ng bahay, pwede ring tawaging direkta kung may pumapasok na sinag ng araw mula sa bintana. Ito po ang pinakamatinding uri ng liwanag sa lahat. 

Hindi Direktang Liwanag

Ang ibig sabihin naman ng hindi direktang liwanag ay yung liwanag na di talaga galing sa sinag ng araw. Kung naaalala niyo po ang science lesson niyo noon, kaya tumalbog ng liwanag mula sa mga surfaces. Itong uri ng liwanag yun. Kung iimaginine niyo po, ito yung parte ng bahay na malapit sa mga bintana o pinto pero di talaga tinatamaan ng diretsong sinag ng araw. Mas mahina ang liwanag na ito kumpara sa direktang sikat ng araw. 

Dito po, baka pwede na rin nating pag-usapan ang idea na humihina ang liwanag habang lumalayo mula sa source nito. Dahil diyan, nakakakita tayo ng mga katagang bright, medium, at low light

Bright

Ito po yung pinakamalapit sa mga bintana na hindi tatamaan ng diretsong sinag ng araw. 

Medium

Depende po sa laki ng inyong mga kwarto, pwede po natin i-describe na ito yung zone na nasa bandang gitna ng bintana at pader na pinakamalayo sa bintana. Hindi po masyadong reliable ang description na ito dahil nga iba-iba tayo ng laki ng bahay o kwarto pero ito na yung pinakasimpleng way para ma-describe ko yung concept. 

Low

Ito naman po yung pinakamalayo mula sa bintana. Hindi po ibig sabihin na sobrang dilim. Makakakita pa rin naman siguro tayo sa ganitong zone pero ito yung part ng bahay na gugustuhin mong magsindi ng ilaw kahit umaga pa lang. Base po sa nabasa ko, ito yung parte ng bahay na 7 piye/feet o mas malayo pa mula sa bintana.

Malamang po, lalo na kung mahilig kayo magbasa tungkol sa paghahalaman, may nakikita din po kayong mga articles na nagbabanggit ng mga direksiyon kung saan nakaharap ang mga bintana. Ito po, medyo mahirap na namang i-explain pero susubukan ko po. 

Silangan/East

Sumisikat ang araw sa silangan kaya kung dito nakaharap ang bintana niyo, malamang magkakaroon ng direktang sikat ng araw mula dito tuwing umaga lang. Banayad ang init ng ganitong uri ng liwanag kung ikukumpara sa mga bintanang nakaharap sa kanluran. 

Kanluran/West

Sa kanluran naman lumulubog ang araw kaya kung dito nakaharap ang bintana niyo, may direktang sikat pa rin ng araw pero sa hapon lang. Mas matindi ang init ng ganitong ilaw, lalo na kung mas malapit sa tanghaling tapat. Lalamlam naman ito kung papalapit na sa paglubog ng araw. 

Hilaga/North

Ito naman pong direksiyon na ito halos hindi makakatanggap ng direktang sinag ng araw. Nasa northern hemisphere pa rin po kasi ang Pilipinas. Ang ibig sabihin, nasa ibabaw pa rin tayo ng Equator. Dahil sa paraan ng paggalaw ng araw, medium light po kadalasan ang masasagap ng mga halaman mula dito buong maghapon kung walang tatakip sa araw tulad ng bubong ng kapitbahay. Hehe! 

Timog/South

Ang mga bintana naman po na nakaharap sa timog ang may pinakamatagal na maaarawan. Halong direktang sikat at hindi direkta ang matatanggap ng mga halaman mula dito. Kung ikukumpara ito sa mga bintanang nakaharap sa hilaga, mas matindi ang liwanag na magmumula sa mga ganitong bintana. 

Sa part na ito, baka may magtatanong: paano kung walang bintana sa bahay? May sagot po ako diyan. 

Artificial Light

Opo, pwede po tayo mag-alaga ng halaman kahit walang bintana basta OK lang sa inyo gumastos ng kuryente sa pag-iilaw sa kanila. May mga espesyal na mga ilaw na pwedeng bilhin. Tinatawag silang grow lights kasi dinesign sila para mapaigi ang tubo ng mga halaman. Kadalasan, kulay violet sila. Medyo mahal din ang mga ganitong ilaw, at personally, hindi ko gusto tingnan ang mga halaman kung ganitong kulay ang ilaw. 

Sa totoo lang, pwede din naman yung mga regular na ilaw lang basta hindi incandescent lightbulb. Sa ngayon po, bukod sa flourescent lights, meron nang LED lights. Mas tipid po ito sa kuryente. Sa ngayon po, ganito yung ginagamit ko para madagdagan ang ilaw sa isang part ng condo ko. Kung ito po ang pipiliin ninyo, i-check niyo po yung box ng ilaw. Best po na piliin yung may nakalagay na 4000 K-6000 K. Saka ko na po ie-explain nang mas detalyado ang topic na ito. 

Kung gagamit po kayo ng artificial light, tandaan lang po ninyo na dapat niyo i-adjust yung layo ng ilaw base sa uri ng halaman. Uulitin ko po, kapag mas malapit sa ilaw, mas matindi ang liwanag. Kapag mas malayo, mas mahina. Kung nasusunog ang mga dahon ng halaman ninyo, malamang po ay dapat na ilayo ng kaunti ang ilaw. Kung naninilaw naman po at mukhang payat ang halaman, malamang po ay dapat ilapit ang ilaw. I-adjust niyo lang po hanggang makita niyo yung saktong distansiya. 

Ito po ang solusyon kung wala talagang natural na liwanag sa bahay ninyo o kung madilim talaga sa loob. 

Ngayon po, pagsama-samahin na natin ang ating natutunan. Obserbahan niyo po ang bahay niyo. May direktang ilaw ba kayo? Saan nakaharap ang bintana niyo? Gaano katagal may liwanag mula sa bintana? Sagutin niyo po ang mga tanong na ito para malaman niyo kung anong halaman ang pwede niyo alagaan. Malalaman niyo po kung akma ang inyong lugar kung titingnan niyo po ang light requirements ng halamang gusto niyong alagaan.

Halimbawa po, kung may bakuran po kayo na buong maghapong nasisikatan ng araw, pwede po kayo magtanim ng mga halamang matakaw sa liwanag tulad ng sunflower. 

Halimbawa naman po, nakatapat sa kanluran ang bintana niyo, mas maigi po na pumili ng mga halamang kakayanin ang tindi ng panghapong araw tulad ng mga cactus. 

Ayan po. Ito po ang secret ng mga successful na hardinero. Binabase po dapat natin ang ating mga halaman sa uri ng ilaw na meron sa bahay natin. Ito po ang pinakamabisang paraan para mabigyan natin ang ating mga halaman ng liwanag para sa mabisang pag-tubo nila. 

Sana po ay nakatulong na naman ako sa inyo. Wag po niyo kalimutang mag-comment kung nakatulong itong article na ito. Pwede din po kayong magbigay ng tips na related sa topic o kaya naman ay mag-share kayo ng nangyari sa inyong mga halaman. Hanggang sa muli!


 


Comments

Popular Posts

Kalanchoe Delagoensis

Happy Monday po sa inyong lahat! Para sa araw na ito, ang featured plant naman natin ay Kalanchoe delgoensis . Bilib ako sa halamang ito dahil isa siya sa mga pinakamatibay na halamang alam ko. Tulad po ng dati, magbabahagi na naman ako ng kaalaman tungkol sa halamang ito. Scientific Name at Common Name Ang scientific name ng halamang ito ay  Kalanchoe delagoensis.  Kakaiba ang pinanggalingan ng pangalan nito dahil hindi Latin o Greek ang pinaghanuan ng kalanchoe. Nanggaling ito sa Cantonese na gaa laam coi, at ang ibig sabihin daw ay temple plant . Yung delagoensis , hindi ko sure kung saan galing kasi wala akong mahanap na source. Hehe! Kadalasan, tinatawag ang halamang ito na mother of millions dahil nag-aanak ito ng napakaraming maliliit na halaman. Tinatawag din itong chandelier plant.  Pinanggalingan Base sa research ko, galing daw ito sa Madagascar.   Pagtubo Tumutubo ito nang patayo mula sa isang main na tangkay. Hindi siya normally nagsasang...

Philodendron Hederaceum 'Lemon Lime'

  Magandang araw po sa inyong lahat! Ito ang aking Philodendron hederaceum 'Lemon Lime.' Isa ito sa pinaka-favorite kong halaman dahil sa matingkad na mga dahon nito. Dito po sa post na ito, magbabahagi po ako ng mga importanteng impormasyon para sa pag-aalaga ng halamang ito.  Scientific Name at Common Name Ang scientific name ng halamang ito ay Philodendron hederaceum  'Lemon Lime.' Galing sa mga salitang Greek ang pangalan nito. Yung philo , ang ibig sabihin ay lover, at yung dendron naman ay tree . Sa madaling sabi, lover of trees kasi mahilig sila kumapit sa mga puno. Yung hederaceum naman ay galing sa salitang Latin na nagkakahulugang ivy-like. Hula ko lang ito, pero baka dahil gumagapang tulad ng mga ivy. Yung 'Lemon Lime,' iyon naman ang cultivar name. Marami kasing iba pang klase ng P. hederaceum . Bagay na bagay yung cultivar name dahil kahawig nga naman ng kulay ng lemon at lime ang mga dahon.  Kadalasan, tinatawag ang halamang ito na Philodendron Lem...