Tubong Cavite po ako. Ang pamilya ng tatay ko ay mga magsasaka noong may lupa pa kami. Palay ang tinatanim nila doon, pero natatandaan ko na mayroon ding mga gulay. Ngayong matanda na ako, naisip ko na sayang, di ako natuto kung paano magtanim ng palay noon. Hindi rin kasi sa pagsasaka nagsimula ang hilig ko sa paghahalaman eh.
Kay Nanay Auring ko natutunan talaga maghalaman. Ate siya ng tatay ko. Marami siyang halaman sa bakuran namin. Naaalala ko noon, mayroon kaming mga kalamansi, San Francisco, rosas, at mga orchids. Madami pa, actually, pero ang pinaka hindi ko malilimutan ay yung baging ng paminta namin at yung puno ng bulak. Bandang 1980s pa po itong panahon na ito.
Bilang bata, siempre, nagsimula akong magkainteres sa mga halaman dahil sa mga bulaklak. Isang araw, habang tinutulungan ko si Nanay Auring magdilig, naisip ko na gusto ko din magtanim ng sarili kong halaman. Nagpaalam ako sa kanya na kukuha ako ng isang supang mula sa isang orchid niya. Pumayag naman siya. Kung tama ang pagkakaalala ko, isang uri ng phaleonopsis yung hiningi ko. Yung bulaklak ay kulay puti na may yellow sa gitna. Siempre, ginaya ko yung pagkakatanim noong nanay na halaman kaya nilagay ko din sa balat ng niyog. Sa awa naman ng Diyos, napabulaklak ko din.
Madami pa akong sinubukang itanim mula sa hardin ng tita ko. Minsan success, minsan sablay. Hahaha! Hindi ko masyado naisip na part ng identity ko na hardinero pala ako kaya di ko na rin matandaan yung ibang mga halamang itinanim ko noon.
Fast forward sa panahong high school na ako. Noong mga panahong iyon, mas nakatuon ang attention ko sa pag-aalaga ng mga isda. Sa library ng school ko, nagbasa ako tungkol sa mga aquarium, at doon ko napag-alaman na may mga halaman palang pwedeng itanim sa loob ng aquarium. Natutunan ko rin ang tungkol sa Cartimar. Dahil sa lugar na iyan, nakabili ako ng mga aquatic plants tulad ng Amazon sword plant, cryptocoryne, ludwigia, cabomba, at bacopa. Hindi nga lang ako masuwerte sa mga aquatic plants dahil low tech yung setup ng aquarium ko. Alam niyo na, estudyante pa lang kasi ako noon.
Sa Cartimar ko unang nadiscover yung mga succulents. Kung di ako nagkakamali, echeveria yung isa sa mga nabili ko. Meron ding cactus at haworthia. Nagtatrabaho na ako nitong mga panahon na ito kaya nakabibili na ako ng mga halamang gusto ko. Sadly, hindi ko nabuhay lahat ng mga halaman na yun dahil nabiktima ako ng misinformation. Sabi kasi sa akin, pwedeng sa loob lang ng bahay ilagay yung mga succulent kaya namatay yung iba. Ang natira na lang sa mga iyon ay yung haworthia ko na hanggang ngayon ay nasa akin pa. Kung tama ang alala ko, mga bandang 2010s noon. Nakatutuwang isipin na halos 13 years na pala sa akin yung isang halaman na iyon.
Pagdating ng 2015, nagtrabaho ako sa Quezon City. Ako lang mag-isa sa condo. Nakalulungkot mag-isa kaya naisip ko na magdala ng halaman mula sa bahay. Nagdala ako ng haworthia at cactus. Sinundan ko ng buto ng alas-kuwatro. Tapos, tuwing may exchange gift o monito-monita sa office, halaman din ang nilalagay ko sa wishlist ko. Ang ending, napuno na ng halaman ang condo. Hahaha!
Bago mag-pandemic, marami na akong halaman kaya nagulat ako na madaming biglang nahilig sa paghahalaman. Hindi ko pa rin nare-realize na hardinero pala ako hanggang sa mapansin kong binitiwan ko na nang lubusan yung pag-aalaga ng mga isda. Hindi rin naman ako nagulat dahil buong buhay ko pala, may alaga akong halaman.
Dito po nagtatapos ang aking kwento. Kayo po, paano kayo nagsimula maghalaman? I-share niyo naman po sa comments section.
Comments
Post a Comment