Skip to main content

Umpisa ng Paghahalaman ni Chad

Philodendron Hederaceum 'Lemon Lime'

 


Magandang araw po sa inyong lahat! Ito ang aking Philodendron hederaceum 'Lemon Lime.' Isa ito sa pinaka-favorite kong halaman dahil sa matingkad na mga dahon nito. Dito po sa post na ito, magbabahagi po ako ng mga importanteng impormasyon para sa pag-aalaga ng halamang ito. 

Scientific Name at Common Name

Ang scientific name ng halamang ito ay Philodendron hederaceum 'Lemon Lime.' Galing sa mga salitang Greek ang pangalan nito. Yung philo, ang ibig sabihin ay lover, at yung dendron naman ay tree. Sa madaling sabi, lover of trees kasi mahilig sila kumapit sa mga puno. Yung hederaceum naman ay galing sa salitang Latin na nagkakahulugang ivy-like. Hula ko lang ito, pero baka dahil gumagapang tulad ng mga ivy. Yung 'Lemon Lime,' iyon naman ang cultivar name. Marami kasing iba pang klase ng P. hederaceum. Bagay na bagay yung cultivar name dahil kahawig nga naman ng kulay ng lemon at lime ang mga dahon. 

Kadalasan, tinatawag ang halamang ito na Philodendron Lemon Lime. Hindi ako masyadong mahilig maniwala sa mga common names pero saka ko na lang ikukwento kung bakit. 

Pinanggalingan

Galing sa Central at South America ang mga P. hederaceum. Itong cultivar na ito, dinevelop ito sa China noong 2004. 

Pagtubo

Gumagapang at nagbabaging ang mga 'Lemon Lime.' Dahil dito, nirerecommend ko na bigyan niyo sila ng moss pole para akyatan. Kakapit din sila sa puno. Napansin ko din na kapag naka-akyat sila sa puno, lumalaki ang mga dahon nila. 

Pag-aalaga

Ilaw

Para sa 'Lemon Lime' sapat na ang bright pero indirect light. Dahil dito, maaari siyang itanim as an indoor plant. 

Nakakita na rin ako nito na bilad sa init ng araw pero ina-assume ko na established na ang mga iyon kaya kaya na nila ang todong init ng araw. Kung hindi pa established ang 'Lemon Lime' ninyo, huwag niyo muna ibilad sa araw. 

Humidity

Base sa mga nabasa ko, 50% humidity daw ang kailangan ng mga 'Lemon Lime.' Ibig sabihin nito, may halumigmig sa hangin. 

Pagdidilig

Mahirap pala i-explain ito, pero susubukan ko. Ang goal para sa halaman na ito ay huwag matuyuan nang lubos yung pinagtataniman niya. Ako, ang ginagawa ko, tinitingnan ko yung taniman niya kung mukhang tuyo na. Kung mukhang basa, di ko muna didiligan. Kung mukhang tuyo na, dudutdutin ko yung lupa para malaman ko kung basa pa ba sa ilalim o hindi. Kung basa pa, skip muna ulit sa pagdidilig, pero kung tuyo na rin sa ilalim, magdidilig na ako. 

Kapag nagdidilig, hinihintay kong lumabas yung tubig sa ilalim ng paso para sigurado akong basa lahat ng ugat. 

Substrate

Para sa taniman nila, dapat yung lupa ay madali mag-drain pero may kakayahang mag-absorb ng tubig. May mga nabibiling aroid mix kung gusto niyo. Ako naman, ang ginagamit ko ay coco peat na hinaluan ko ng pumice. 

Temperature

Dahil sa Pilipinas naman tayo nakatira, wala tayong issue dapat kung mag-aalaga tayo ng 'Lemon Lime.' Akma naman din ang klima natin para sa halaman na ito. 

Pag-aabono

Hindi ko masyado fine-fertilize yung halaman ko pero sabi sa mga nabasa ko, once a month daw, pwede. 10-10-10 na fertilizer daw. 

Pagpaparami

Madali lang paramihin ang 'Lemon Lime.' Kadalasan, gumugupit lang ako ng sanga tapos tinutusok ko lang sa lupa. Pwede rin namang paugatin niyo muna sa tubig bago ilipat sa lupa pag nag-ugat na. 

Babala

Dapat siguro inuna ko itong part na ito! Hahaha! Anyway, nakakalason po ang dahon ng philodendron na ito dahil meron po itong calcium oxalate. Ingatan po natin ang mga bata o mga alaga dahil baka kainin nila ang mga parte ng halaman na ito. 

Sana po ay nakatulong itong guide ko para sa mga gustong mag-alaga ng Philodendron hederaceum 'Lemon Lime.' Kung nakatulong po ito, ipaalam niyo po sa akin sa comments section. Kung may iba pa po kayong tips o kung may mali sa sinulat ko, pakisabi na rin po para mabago ko at makatulong talaga. Thank you po!

Comments

Popular Posts

Mga Uri ng Liwanag

Lahat ng halaman, nangangailangan ng liwanag. Kailangan kasi nila ng liwanag para sa photosynthesis, ang proseso kung paano sila gumagawa ng kanilang pagkain. Hindi nga lang pare-pareho ang pangangailangan nila para tumubo sila nang maayos at maganda. Alam niyo ba na may iba't ibang uri ng liwanag na dapat i-consider bago bumili ng halaman? Kung hindi, ang post na ito ay para sa inyo. Simulan na po natin.  Direktang Liwanag Ang ibig po sabihin ng direktang liwanag ay yung ilaw na galing mismo sa araw. Kung pag-uusapan natin ang topic na ito base sa mga bahay, ang pinakasimpleng description po ay nasa labas o walang bubong. Sa loob naman po ng bahay, pwede ring tawaging direkta kung may pumapasok na sinag ng araw mula sa bintana. Ito po ang pinakamatinding uri ng liwanag sa lahat.  Hindi Direktang Liwanag Ang ibig sabihin naman ng hindi direktang liwanag ay yung liwanag na di talaga galing sa sinag ng araw. Kung naaalala niyo po ang science lesson niyo noon, kaya tumalbog ng li...

Kalanchoe Delagoensis

Happy Monday po sa inyong lahat! Para sa araw na ito, ang featured plant naman natin ay Kalanchoe delgoensis . Bilib ako sa halamang ito dahil isa siya sa mga pinakamatibay na halamang alam ko. Tulad po ng dati, magbabahagi na naman ako ng kaalaman tungkol sa halamang ito. Scientific Name at Common Name Ang scientific name ng halamang ito ay  Kalanchoe delagoensis.  Kakaiba ang pinanggalingan ng pangalan nito dahil hindi Latin o Greek ang pinaghanuan ng kalanchoe. Nanggaling ito sa Cantonese na gaa laam coi, at ang ibig sabihin daw ay temple plant . Yung delagoensis , hindi ko sure kung saan galing kasi wala akong mahanap na source. Hehe! Kadalasan, tinatawag ang halamang ito na mother of millions dahil nag-aanak ito ng napakaraming maliliit na halaman. Tinatawag din itong chandelier plant.  Pinanggalingan Base sa research ko, galing daw ito sa Madagascar.   Pagtubo Tumutubo ito nang patayo mula sa isang main na tangkay. Hindi siya normally nagsasang...